Kapederasyon Joins International Human Rights Day

LGBT RIGHTS ARE HUMAN RIGHTS!

Kung ang hustisya ay mailap sa mga tulad nila Jennifer, Mary Ann, ng mga mamayahag sa Maguindanao, at ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita, hinding hindi maaasahan ang gobyernong ito na magtaguyod ng karapatan at kagalingan ng mga bakla at tomboy sa lipunang Pilipino.

Kahit may mga matagumpay ng pagpapapasa ng local na ordinansa ukol sa pagtataguyod ng karapatan ng mga LGBT, hanggang ngayon ay hindi binibigyan ng pansin ng gobyernong Aquino ang mga panukala sa kongreso na magsasabatas sa pagsusulong sa karapatan ng mga LGBT. Kung titignan ang Konstitusyon ng Pilipinas, walang binabanggit na pagkilala sa LGBT maliban sa basehan ng annulment ng kasal. Ganito ang sitwasyon ng pagkilala at pangangalaga sa karapatan ng LGBT sa bansa – kalunos-lunos.

Maliban sa pang-araw-araw na pasakit ng mataas na bilihin, tubig, kuryente, mataas na tuition sa eskwelahan, at ng kawalang-kasiguruhan sa trabaho, dagdag pasakit ang diskriminasyon na nararanasan ng LGBT sa iba’t ibang institusyon sa lipunan. Halimbawa nito ay ang diskriminasyon sa mga estudyanteng bakla at tomboy na hindi pinapayagan ng kaniya-kaniyang eskwelahang magdamit ng naaayon sa kanilang kagustuhan. Ang ilan naman ay ang mga manggagawa at empleyadong bakla at tomboy na madalas ay hindi tanggapin sa trabaho dahil sa kanilang bihis at anyo. Ang iba naman ay binubugbog at nakararanas ng emosyonal na trauma dahil pinipilit na “magpakalalaki” o “magpakababae.”

Kaya panahon na para itaas natin ang lebel ng pakikibaka ng LGBTng Pilipino. Totoong likas sa atin ang pagiging malikhain at sinasalamin ng bahaghari ang katangian ng LGBT sa lipunan. Kaya gamitin natin ang pagiging malikhain upang baguhin ang lipunang ito. Tulad ng bahaghari, kailangan nating mapagtanto na hindi hiwalay ang isyu ng ibang mamayan sa isyu natin. Ito ang kontekstong ginagalawan ng pakikibaka natin para sa pagkakapantay-pantay.

LGBT RIGHTS

JUSTICE FOR JENNIFER AND ALL VICTIMS OF HATE CRIMES!

Pagkalipas ng isang linggo ng pagpatay kay Jennifer Laude, sunod-sunod naman ang pagbabalita tungkol sa pagpaslang na tila tumatarget lamang sa mga transgender at bakla. Karamihan sa mga kaso ay marahas ang paraan ng pagpatay at malaki ang posibilidad na hate crime ang mga ito.

Hindi nakapagtatakang mailap ang hustisya sa mga transgender tulad ni Jennifer at Mary Ann. Dahil mailap ang hustisya sa mismong gobyernong ito. Sampung taon na ng pagbabarilin ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita. Limang taon na ng nangyari ang kahindik-hindik na pagpatay sa 58 na mamamahayag sa Maguindanao. Ngunit hanggang ngayon, walang hustisya ang mga kasong ito. Ilang libong pamilya ng mga kababayan nating katutubo ang lumikas ng lugar dahil sa pandarahas ng mga militar. Hindi tumitigil ang kaso ng mga abductions at political killings at bagkus ay tumitindi pa. Ganito kalala ang pandarahas ng gobyernong Aquino sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Kung tutuusin mas masahol pa ang pandarahas ng gobyernong Aquino kaysa sa nakaraang gobyerno.

JUSTICE FOR JENNIFER

JUSTICE FOR JENNIFER, JUNK EDCA!

Malinaw ang mensahe ng relasyong US-Pilipinas sa pangyayaring ito – Ang gobyerno ng Pilipinas sa porma ng EDCA ay tuta talaga ng gobyerno ng US. Walang pinipiling biktima ang karahasan ng paghahasik ng digma ng Estados Unidos. Mapababae, bakla, o transgender ka man. Tulad ni Jennifer Laude, hindi ka ligtas sa karahasang ito.

Hindi na bago sa kasaysayan natin ang ganitong balita. Sinong makakalimot sa kaso ng panghahalay kay Nicole noong 2005? Kahit sa ibang bansang may defense agreement ang US, hindi bago ang ganitong kaso. Halimbawa na lamang ay ang panghahalay na ginawa ng 2 amerikanong sundalo sa isang babaeng Hapon sa Okinawa noong 2012. Halos normal ang ganitong kaso sa mga bansang binibisita ng mga amerikanong sundalo sa diwa ng defense agreements. Bakit? Dahil ganito ang kulturang pinayayabong ng paghahasik ng gyera – bayolente at mapagpakasasa. Kaya hindi rin maitatangging malinaw na hate crime ang ginawang pagpatay kay Jennifer Laude. Makikita ito sa paraan ng pagpatay at sa hitsura ni Jennifer nang matagpuan siyang walang buhay at nakasubsob sa inodoro.

JUNK EDCA

DAP/ CORRUPTION AT HEALTH CARE/HIV FUND

Magkarugtong na isyu ito para sa atin.
Una sa isyu ng korupsiyon at DAP: Ang mga LGBT sa Pilipinas, taliwas sa pagturing ng lipunang Pilipino bilang walang silbi at hindi kapantay ng mga straight ay mga mamamayang produktibo ring nag-aambag sa pagpapaunlad ng lipunan. Ang mga bakla at tomboy sa lipunan, tulad ng mga straight ay tagapagtaguyod din ng kaniya-kaniyang pamilya sa araw-araw na pagtugon sa hindi maampat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mga primaryang pampublikong serbisyo na unti-unti nang isinasapribado tulad ng tubig at kuryente. Kaya bilang mga bakla at tomboy, sa parlor man o talyer, hindi maikakaila ng gobyernong ito na ang mga LGBT, katulad ng mga straight na nagpapakapagod sa pagtatrabaho ay nag-aambag din sa lipunan sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis sa porma ng VAT at ng kaltas sa sweldo at sahod.

Kaya bilang mga LGBT na pawis at dugo ang isinasakripisyo sa pagtatrabaho, mahalagang mairehistro natin sa gobyerno kung paano tayong nanggagalaiti at may pakialam sa isyu ng DAP. Dahil bilang mamamayan ng Pilipinas, pera rin natin ang kinamal at nilustay. Higit sa lahat, marapat lang na pagbayarin natin ang mga trapong nagligalisa ng pandarambong sa sambyanan sa porma ng DAP.

Sa isyu ng HIV Fund karugtong ng korapsyon: Bilang mga mamamayan ng lipunan, tungkulin ng estado na siguruhing tinatamasa ng bawat mamayan ang mga batayang karapatan at serbisyong panlipunan mapa straight man ito, bakla, o tomboy. At isa sa mga serbisyong panlipunang ito ay ang pagtitiyak ng maayos na kalingang pangkalusugan o health care.

Bumuhos ang pondo mula sa mga international HIV funding institutions sa gobyerno para sa pag-ampat ng lumalalang kalagayan ng pagdami ng kaso ng mga may HIV sa bansa. Ngunit hanggang ngayon, nananatiling kwestiyon kung saan na nga ba talaga napunta ang milyun-milyong pondong ito lalo na’t wala namang makikitang matining na pag-usad sa mga proyekto’t programa ng gobyerno patungkol dito.

Maaalalang nitong nakaraang Setyembre lamang ay nagkaroon ng problema sa relase ng antiretroviral drugs na kailangan sa medikasyon ng mga mga PLHIV’s o people living with HIV. Imbis na tiyakin ng gobyerno na tuloy-tuloy ang supply ng naturang gamot, nagdulot ang paghimpil nito sa Bureau of Customs ng paranoia at stress sa mga kababayan nating PLHIV’s. Maiiwasan sana ang ganitong mga pangyayari kung tintiyak ng gobyerno ang responsibilidad nito sa pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan.

PORK BARREL

PHOTOS

1 2 4 5 7 8 91

MORE PHOTOS HERE AND HERE

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s